Patay ang tatlong pulis kabilang ang chief of police at isang babae matapos silang pagbabarilin ng kanilang kabaro sa bayan ng Sibulan nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na sina P/Capt. Jose Edrohil Cimafranca, hepe ng Sibulan Municipal Police Station; Police Senior Master Sgt. Tristan Chua; at Patrolman Rey Albert Temblor. Bukod sa tatlo, nasawi rin ang isang babaeng kinilalang si Sheila Mae Dinanao.
Sumuko naman sa pulisya ang suspek na kinilalang si Police Staff Sgt. Bonifacio Saycon, na isa ring miyembro ng Sibulan police station.
Batay sa report ng Sibulan MPS, bandang alas-9:35 ng gabi nitong Biyernes (Enero 9), unang binaril ng suspek si Dinanao sa isang bar sa Barangay Tubtubon, ng naturang bayan.
Agad namang rumesponde ang grupo ni Cimafranca sa nasabing lugar at naabutan ang suspek dahilan para arestuhin ito.
Isinakay sa sasakyan ang suspek at habang patungo sa nasabing himpilan ng pulisya, bigla na lamang umanong pinagbabaril si Saycon sina Cimafranca, Chua at Temblor na naging sanhi ng agaran nilang pagkamatay saka naman tumakas ang salarin.
Makalipas ang isang oras, sumuko si Saycon sa Tanjay City Police Station pati ang kanyang service firearm.
Patuloy pa ang ginagawang masusing imbestigasyon ng pulisya para malaman ang tunay na motibo sa naganap na krimen. (Dolly Cabreza)