Umabot na sa anim ang kumpirmadong nasawi sa gumuhong Binaliw landfill sa Cebu City nang dalawa pang bangkay ang narekober ng mga rescuer kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Cebu City Councilor Dave Tumulak, chairperson ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Council, ang dalawang biktima ay pawang babae kung saan nakuha ang kanilang bangkay bandang ala-1:00 ng madaling-araw at alas-6:00 ng umaga.
Patuloy naman ang search and rescue operations kahit delikado ang kondisyon sa lugar.
Hinarap ng mga rescuer ang malakas na ulan, nagkalat na debris at banta ng methane gas habang hinahanap ang iba pang posibleng biktima noong Sabado ng gabi.
Ipinagpatuloy kahapon ang search, rescue at retrieval operations sa lugar ng landslide sa Barangay Binaliw, Cebu City kung saan gumagamit ang mga rescue team ng backhoe upang linisin at alisin ang mga debris sa apektadong lugar.
Ayon sa Cebu City Public Information Office, isang 50 toneladang crane ang gagamitin para sa mabibigat na pagbubuhat at clearing operation upang mapabilis ang mga rescue activity.
Sinabi naman ng Bureau of Fire Protection–Cebu City na nananatiling nakaalerto ang mga response team at patuloy na ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya upang matagpuan ang mga nawawala at matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Nangyari landslide bandang alas-4:00 ng hapon noong Huwebes sa waste management facility ng Prime Waste Solutions Cebu sa Barangay Binaliw.