Grade 6 sinakal ng kaklase sa iskul

Napilayan ang isang Grade 6 student matapos sakalin ng kaklase sa pag-aakalang sinipa niya ito sa loob mismo ng kanilang silid-aralan sa Antique noong Miyerkoles.

Ayon kay P/Capt. Alfonso Precia, officer-in-charge IC ng Bugasong Municipal Police Station (MPS), noong Miyerkoles (January 7) nang maganap ang insidente sa isang pampublikong paaralan sa Bugasong.

Batay sa nakuhang CCTV footage ng pulisya, bigla na lamang sinugod ang biktima ng kaniyang kaklase, sinakal hanggang matumba ito dahilan upang ma-dislocate ang buto sa siko ng una.

Dahil wala pa ang kanilang guro, umawat na ang iba pang mga kaklase at saka humingi ng saklolo at dinala sa ospital ang biktima matapos ma-dislocate ang kaliwang siko na umano’y kailangan pang operahan.

Tumulong naman ang pamunuan ng paaralan para sa mga gastusin nang naospital nilang estudyante.

Pinagpapaliwanag na ang principal at district supervisor ng Bugasong ng DepEd Schools Division Office sa nangyaring insidente.

Ipinatawag na rin ang mga magulang ng biktima at ng estudyanteng nanakal.

Kaugnay nito, nabatid sa Bugasong MPS, na nagsagawa na ang kanilang kapulisan ng lecture tungkol sa anti-bulllying sa grade 6 pupils sa mismong section ng biktima at ng estudyanteng nanakal. (Dolly Cabreza)


オリジナルサイトで読む