Tinedyer lumundag sa falls, nalunod

Isang binatilyo ang nasawi matapos malunod nang tumalon at sumisid mula sa isang talon sa Prinza River sa Barangay Sta. Catalina, San Pablo City nitong Lunes, January 12.

Ayon sa ulat, kasama ng 16-anyos na biktima ang ilang kaibigan at kamag-anak na naliligo sa lugar nang maganap ang insidente.

Sa kabila ng babala ng kanyang kaibigan, tumalon umano ang biktima mula sa talon na may tinatayang taas na halos 30 talampakan.

Batay sa mga saksi, dalawang beses pang sumisid ang biktima at muling lumutang bago tuluyang hindi na lumitaw sa ikatlong pagsisid.

Agad na ipinaalam ng mga saksi ang insidente sa mga opisyal ng barangay na siya namang humingi ng tulong sa San Pablo City Disaster Risk Reduction and Management Office (SPCDRRMO).

Matapos ang halos isang oras na water search, rescue and retrieval operations, narekober ang bangkay ng biktima at idineklara itong dead on arrival sa Provincial Hospital. (Ronilo Dagos)


オリジナルサイトで読む