Timbuwang ang dayuhang turista matapos suntukin ng kelot na Pinoy sa kanilang komprontasyon kamakalawa ng hapon sa Abanico Road, Bgy. San Pedro.
Sakay ng crewship ang mga banyagang turista at nagrenta umano ng sasakyan para sa kanilang tour at habang pabalik na ng pantalan ay nagkaroon ng komosyon sa loob ng sasakyan.
Huminto ang sasakyan at paglabas ng mga sakay, nagkaroon ng girian na nauwi sa pagsapak ng Pinoy sa foreigner, makikita din sa video na hinahampas ng hawak na plastic ng babaeng foreigner ang lalaking gustong sugurin ang isa pang foreigner pero hindi ito makalapit dahil sinisipa siya nito.
Ayon sa mga nakasaksi base sa kuwento ng nanapak na Pinoy, sinakal siya sa loob ng sasakyan, matapos pagbintangan sa nawawalang gamit ng mga banyagang turista.
Naawat umano ito ng mga taong nasa paligid at pagdating ng pulis ay nagmadali ng umalis ang mga turista pabalik ng pantalan upang hindi maiwanan ng barko.
Wala pang inilalabas na imbistigasyon ang Puerto Princesa police sa nangyari, at hindi pa rin alam kung anong nationality ng mga foreign tourist at pangalan nila, maging ang Pinoy na nanapak. (Romeo Luzares Jr)