Umakyat na sa 22 ang kumpirmadong nasawi sa pagguho ng landfill sa Barangay Binaliw, Cebu City, ayon sa pinakahuling ulat ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Council (CCDRRMC) nitong Huwebes, Enero 15.
Kinumpirma ni Cebu City Councilor Dave Tumulak at CCDRRMC head, na dalawang bangkay pa ang narekober kahapon ng umaga, isang babae alas-6:30 at isang lalaki alas-6:51.
Dahil dito, nadagdagan ang bilang ng mga nasawi mula sa naunang 20 na naitala kahapon, Miyerkoles, Enero 14.
Ayon sa mga awtoridad, 18 katao ang kasalukuyang naka-confine sa ospital matapos mailigtas mula sa insidente.
Samantala, 14 na indibidwal pa ang patuloy na nawawala at pinaniniwalaang natabunan ng gumuhong lupa at basura.
Nagpapatuloy ang search, rescue and retrieval operations ng mga kinauukulang ahensya sa lugar sa kabila ng delikadong kondisyon. (Ronilo Dagos)