Bulkang Mayon tuloy sa pagbuga ng abo, bato, lava

Tuloy sa pag-aalburoto ang Bulkang Mayon kung saan naitala ang mga rockfall event at pyroclastic density current (PDC) sa loob ng 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Huwebes.

Ayon sa Phivolcs, naitala ang aabot sa 207 rockfall event at 27 PDC o uson, na pag-agos ng pinaghalong mga abo, bato, gas, at piraso ng lava mula sa bunganga ng bulkan.

Na-monitor din ang pagbuga ng bulkan ng 987 tonelada ng sulfur dioxide kada araw at katamtamang pagsingaw ng plume na umabot ng 800 metrong taas.

Naobserbahan din umano ang patuloy na pagbuga ng lava dome at lava flow at ang pamamaga ng bulkan.

Nananatili namang nasa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon, kung saan ipinagbabawal ang pagpasok sa anim na kilometrong permanent danger zone at pagpapalipad ng anumang aircraft sa paligid ng bulkan. (Angelica Malillin)


オリジナルサイトで読む