Magkakasunod na binitbit ng mga pulis ang anim na kagawad ng barangay at 47 pang sabungero sa ilegal na tupadahan sa Aparri, Cagayan, noong Miyerkoles ng hapon.
Ayon kay P/Maj. Junniel Perez, hepe ng Aparri Police Station, ang mga nadakip na sina alyas “Delfin”, “Fidel”, “Benz”, “Cecilio”, at “Carnelio”, pawang mga kagawad ng Barangay Maura ang umano’y mga operator ng ilegal na sabong sa Zone 7, Barangay Maura.
Kabilang sa binitbit si alyas “Redge”, barangay kagawad naman ng Barangay San Antonio sa nasabing bayan.
Sa ulat, alas-3:30 ng hapon, matapos makatanggap ng reklamo ang pulis tungkol sa ilegal na tupadahan ay agad silang nagsagawa ng operasyon.
Nang maabutan ng pulisya ang aktong tupadahan, agad dinampot ang mga nasabing kagawad, at ang mga nagsasabong. (Dolly Cabreza)