Bumulagta ang isang negosyante matapos siyang barilin sa loob ng kanyang tindahan sa Guinoyoran Road, Purok 10, Poblacion, Valencia City, Bukidnon noong Sabado.
Isinugod pa sa ospital ang biktimang si Michael Cloma Actub, 45, may asawa at residente sa Purok 6, Barangay Batangan, Valencia City, pero idineklara siyang wala ng buhay.
Batay sa ulat ng Valencia City Police Station, dumating sa tindahan ang suspek na naka-berdeng jacket at half-face helmet at nagkunwaring customer bandang alas-5:30 ng hapon.
Ilang sandali lamang umanong nanatili ang suspek sa loob ng tindahan bago ito bumunot ng baril at pinutukan sa ulo si Actub.
Matapos ang pamamaril, agad na tumakas ang suspek sakay ng isang Bajaj motorcycle at dumaan sa Guinoyoran Road.
May natukoy na umanong person of interest ang pulisya pero tumanggi muna itong magdetalye.