Nasawi ang dalawang obrero matapos umanong silang saksakin ng kanilang kasamahan sa Purok Orchids, Barangay Santol, Binalbagan, Negros Occidental.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Arnel, 25, at Lemping, 61.
Ayon kay Police Capt. Joelan Vinson, hepe ng Binalbagan Municipal Police Station, pauwi na mula sa inuman ang mga biktima kasama ang tatlo pang kasamahan, kabilang ang 30-anyos na suspek na si Joelyn, nang magtalo ang huli at si Lemping noong Biyernes ng gabi.
Sa gitna ng pagtatalo, bumunot umano ng kutsilyo ang suspek at sinaksak si Lemping sa likod at binti. Nang umawat si Arnel, sinaksak din siya sa dibdib at likod.
Idineklarang patay sa ospital si Arnel habang binawian buhay si Lemping kinabukasan.
Tinangka rin umanong saksakin ng suspek ang isang saksi na nakatakas.Naaresto ang suspek ng mga barangay tanod at isinuko sa pulisya pero hindi narekober ang ginamit na patalim.
Inihahanda na ang kasong murder laban sa suspek na umamin na nagawa niya ang krimen matapos mapikon sa panunukso ng kanyang mga kasamahan.