Arestado ang isang lalaki sa iligal na pagbebenta ng mga armas sa bayan ng Sultan Kudarat. Maguindanao del Norte, kasabay ng pinaigting na kampanya ng gobyerno laban sa loose firearms.
Sa ulat nitong Lunes, Enero 19, ng PNP Criminal Investigation and Detection Group- Maguindanao Provincial Field Unit, tinukoy ang naaresto na si “Tsetong,” residente ng Purok Pagkakaisa, Barangay Salimbao sa nasabing bayan.
Ayon sa ulat, inaresto ang suspek matapos nitong makatransaksyon ang isang operatiba na nagpapanggap na bibili ng armas.
Nakumpiska mula sa suspek ang dalawang matataas na kalibre na armas, mga bala at buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Ito na ang pangalawang kaso ng pagkakasabat sa bentahan ng armas sa nasabing bayan, kung saan isang suspected arms runner din ang natimbog nitong nakaraang linggo.
Kasalukuyan nang hawak ng CIDG ang suspek para sa dokumentasyon at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Illegal Sale of Firearms and Ammunition. (Jun Mendoza)
