Dinukot na bebot bumulagang bangkay

Bangkay na nang bumulaga ang isang babaeng pinaniniwalaang kinidnap sa Maguindanao del Sur.

Nagpapatuloy pa sa ngayon ang pagtukoy ng mga awtoridad sa pagkakakilanlan ng labi ng isang babae na natagpuan sa isang masukal na lugar sa bahagi ng Barangay Talibadok, sa bayan ng Datu Hoffer, Maguindanao del Sur, nitong Linggo, Enero 18.

Ayon sa ulat nitong Lunes, ilang residente umano ng Sitio Tangkapan ang nakakita sa labi ng biktima na nakatali pa ang mga kamay.

Pinaniniwalaan na dinukot ang biktima at itinapon lamang ang labi nito sa lugar.

Kinumpirma naman ng mga opisyal ng barangay na hindi residente sa nasabing lugar ang babae.

Aminado rin ang Datu Hoffer Municipal Police Station, na hirap ang kanilang mga imbestigador sa pagkilala sa biktima dahil walang anumang identification card na nakita sa katawan nito. (Jun Mendoza)


オリジナルサイトで読む