Kalaboso ang isang pulis matapos itong ipadampot ng sarili niyang misis sa kasong pang-aabuso matapos ang isinagawang operasyon ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) sa Zamboanga del Norte.
Sa report ng IMEG, inaresto si Police Corporal Henry Torres Boquida Jr. sa Zamboanga del Norte sa bisa ng warrant of arrest dahil sa paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act of 2004.
Ito ay matapos siyang ireklamo ng kanyang asawa dahil sa pamimisikal o pananakit sa katawan, at pang-aabuso sa isipan at emosyon (physical and psychological abuse) ng ginang.
Nasa kustodiya na ng Rizal Municipal Police Station sa Zamboanga del Norte ang pulis.
Samantala, tiniyak naman ni IMEG Director PBGen Bonard Briton na pursigido sila sa paglilinis ng kanilang hanay at hahabulin nila ang mga pulis na may kaso.
Hinikayat din nito ang publiko na agad ireklamo sa kanilang hotline ang mga tiwaling pulis sa kanyang nasasakupan. (Edwin Balasa)
