Isang sanggol na babae na isinupot at isinabit sa tarangkahan o gate na kawayan ang nasagip nang maispatan itong gumalaw sa Barangay Cabugao Sur, noong Martes ng gabi.
Sa report, nakita umano ng mag-asawang dumaraan sa lugar ang shopping bag na nakabitin sa bakod na kawayan na tila may gumagalaw sa loob.
Nang inspeksyunin ang laman, laking gulat nila nang makita ang baby kaya agad itong ini-report sa mga awtoridad.
Naging emosyonal naman si alyas Ernesto, isang barangay tanod, dahil nang buksan umano nila ang supot ay ngumiti sa kanila ang sanggol habang nagkakakawag.
Agad na dinala ng mga rumespondeng Barangay Health Workers (BHW) ang nasabing baby girl sa Western Visayas Sanitarium at General Hospital para sa espesyal na pagsubaybay sa pediatric.
Kinumpirma ng mga medical staff na stable na ang lagay nito, bagama’t patuloy silang nagsasagawa ng mga pagsusuri upang matiyak na wala siyang masamang epekto mula sa pag-iiwan sa labas.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad kung sino ang ina na nag-iwan sa sanggol na naging pahirapan sa kanila dahil walang Closed-Circuit Television o CCTV sa lugar. (Dolly Cabreza)