Nanay sinapian, anak nilunod sa dagat

Inaresto ang isang ina matapos patayin sa lunod ang kaniyang 4-anyos na anak na babae sa Zamboanga del Sur noong Martes ng hapon.

Sa ulat ng Tabina Municipal Police Station, nasa kostudya na nila ang suspek na si alyas Cherrylyn, na suspek sa pagpatay sa sariling anak noong Enero 20, sa baybayin ng Purok Amor, Barangay Abong-Abong, Tabina, Zamboanga del Sur.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, isinama ni Cherrylyn ang kanyang anak sa dagat para maligo at doon ay nilunod ang bata.

Alas-3:00 ng hapon nang marekober ng mga awtoridad ang bangkay ng bata sa baybayin.

Sinabi naman sa pulisya ni Roel Denopol, Barangay Kagawad ng Abong-Abong, bago ang insidente ay nakita si Cherrylyn, kasama ang mister at kanilang anak na pawang hubot hubad habang naliligo sa dagat.

Dahil tila wala sa sarili ang mag-asawa ay pinuntahan ito ni Denopol para pagsabihan na baka malunod ang bata subalit tumakbo umano ang mister ni Cherrylyn na si Juneray at naiwan ang mag-ina.

Ilang oras ang nakalipas ay nabalitaan na lamang ng mga opisyal ng barangay na bangkay na ang bata.

Unang itinuro si Juneray bilang suspek ngunit itinanggi niya ito at inginuso ang misis na huling kasama ng kanilang anak.

Sa pulisya, inamin ni Cherrylyn na sinadya niyang ilunod ang anak dahil may bumulong umano sa kaniya na gawin iyon. Iginiit pa niya na isang espiritu umano ang nagsama sa kanyang anak sa malalim na bahagi ng dagat, kaya ito nalunod at namatay.

Nabatid naman sa lolo at lola ng bata, bago magtungo sa dagat ang mag-asawa ay nagdasal at tila nagsagawa ang mga ito ng orasyon sa likod ng kubo ng kanilang bahay.

Patuloy ang imbestigasyon ng Tabina MPS sa insidente. (Dolly Cabreza)


オリジナルサイトで読む