Apat na sundalo ang nasawi habang sugatan ang isa pa nilang kasamahan matapos tambangan ng hinihinalang mga miyembro ng Dawlah Islamiya-Maute Group sa bayan ng Munai, Lanao del Norte, kahapon ng umaga.
Base sa inisyal na impormasyon mula sa pulisya, bandang alas-10:26 ng umaga nang maganap ang pananambang sa Purok 1 Brgy Munai, Lanao del Norte.
Sakay ng isang asul na Toyota Avanza ang limang tauhan ng Task Unit Tabang habang nagsasagawa ng marketing activity nang tambangan sila ng mga armadong kalalakihan.
Killed in action ang apat na sundalo habang nasapol at nasugatan ang isa pa nilang kasamahan.
Agad na naglunsad ng pursuit operations ang pinagsanib na puwersa ng AFP at Philippine National Police maneuver units upang tugisin ang mga salarin at matiyak ang seguridad sa lugar.
Patuloy ang koordinasyon ng mga awtoridad habang iniimbestigahan ang insidente at pinaiigting ang mga hakbang upang mapanagot ang mga nasa likod ng pananambang. (Ewin Balasa/Dolly Cabreza)
