Kaskaserong driver boldyak sa reklamo ng turista

​Binabaan ng Show Cause Order (SCO) ng LTO MIMAROPA ang operator at driver ng isang tourist van sa Palawan matapos mag-viral ang reklamo ng isang dayuhang turista dahil sa mabilis at mapanganib na pagmamaneho.

​Batay sa utos ni Acting Regional Director Atty. Wendel Dinglasan, nag-ugat ang kaso sa biyaheng Puerto Princesa patungong El Nido noong Enero 12, 2026. Sa imbestigasyon, nadiskubreng overloaded ang van na may 12 pasahero.

Higit na ikinabahala ang mga bagaheng itinali sa front bumper at hood na humaharang sa paningin ng driver sa gitna ng makapal na fog at gabi na biyahe.

​Ayon sa mga turista, binalewala at kinagalitan pa ng driver ang mga pasaherong nagmamakaawang magdahan-dahan dahil sa takot.

Bilang aksyon, isinailalim sa 90-day preventive suspension ang lisensya ng driver, habang inilagay naman sa alarm status ang sasakyan upang hindi makabiyahe.

​Binigyang-diin ng LTO na ang pagmamaneho ay isang pribilehiyong may kalakip na disiplina at responsibilidad sa kaligtasan ng publiko. (Romeo Luzares Jr)


オリジナルサイトで読む