Nasamsam ng Mandaue City Police Office ang nasa P5.2 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo noong Biyernes sa Barangay Looc, Mandaue City, Cebu.
Inaresto ang suspek na kinilala sa alyas na “Hamed,” residente sa Zamboanga City na pansamantalang naninirahan sa Barangay Looc.
Nakumpiska sa operasyon ang mahigit 2,000 ream ng puslit na sigarilyo.
Ayon kay Police Lt. Col. Mercy Villaro, tagapagsalita ng Mandaue City Police Office, kabilang sa mga nakuhang sigarilyo ang mga brand na Alpha, King Bravo at Famous, na may tinatayang street value na P5.28 milyon.
Sinabi ni Villaro na isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng inter-agency coordination upang matukoy at matunton ang suspek.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.
