Sa halagang P300, muntikan nang malagas ang buhay ng isang 51-taong gulang na lalaki matapos itong tarakan ng kaniyang inutangan sa Valencia City, Bukidnon.
Ayon sa Valencia City Police Office, nangyari ang insidente noong Enero 25, matapos magpang-abot sa isang gasolinahan sa lungsod ang biktimang si “Toto” at ang suspek na si “Benedicto”.
Lumabas sa imbestigasyon na habang nagpapagasolina ng kanyang motorsiklo ang biktima, bigla umanong dumating ang suspek at siningil ang P300 na utang ng biktima.
Dito na umano humantong sa pagtatalo ang dalawa matapos na muling mangako ang biktima na sa susunod na linggo pa ito makakabayad, hanggang sa sila’y magpambuno at nauwi sa insidente.
Agad na dinala sa ospital ang biktima dahil sa tinamong mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Ang suspek ay nasa kustodiya na ng Valencia Police Station para sa tamang disposisyon. (Jun Mendoza)
