Inuga ng magkasunod na lindol na may lakas na magnitude 5.1 at 5.7 ang Kalamansig, Sultan Kudarat nitong Miyerkoles ng hapon, Enero 28.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naitala ang unang lindol na magnitude 5.1 bandang alas-2:31 ng hapon. Natunton ang epicenter nito sa layong 39 kilometro timog ng Kalamansig.
Naitala ang Intensity IV sa Lebak, habang Intensity III sa Palimbang, Sultan Kudarat.
Sumunod ang ikalawang lindol na magnitude 5.7 dakong alas-2:47 ng hapon, at natunton ang epicenter sa layong 40 kilometro timog ng Kalamansig.
Naitala rito ang Intensity V sa Lebak at Intensity IV sa Palimbang, Sultan Kudarat.
Walang inaasahang anumang pinsala mula sa parehong lindol, ngunit posibleng magkaroon ng aftershocks matapos ang ikalawang pagyanig, ayon pa sa Phivolcs. (Angelika Cabral)
