2 bagets na hiker, naligaw sa bundok

Dalawang tinedyer na hiker na naligaw sa bundok ng Bantay Tirad Pass ang matagumpay na nasagip sa Narvacan, Ilocos Sur.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), umakyat ang dalawa sa bundok noong umaga ng Lunes January 26, na hindi nagpaalam sa lokal na gobyerno, mga barangay officials ng Barangay Camaroan at Kakaldingan.

Pero naligaw umano ang dalawa na nasa edad 18 at 19 at natakot na sila dahil gabi na.

Nagawa pa nilang maitawag ang kanilang sitwasyon sa kanilang mga pamilya bago na low bat ang kanilang mga cellphone.

Bunga noo’y agad namang sumaklolo ang rescue groups mula sa MDRRMO ng Narvacan, pulisya, BFP, Philippine Coast Guard, opisyales ng dalawang barangay at mga mangangaso.

Magtatanghali na ng Martes, January 27 nang mahanap ang dalawa sa mataas na bahagi ng bundok.

May mga gasgas sila sa katawan, pagod at walang tulog.

Ayon sa dalawa, dumaan sila sa gilid ng ilog, bangin at makahoy na lugar.

Sinasabing maituturing na mapanganib ang bahagi ng bundok na inakyat ng dalawa dahil sa mga bangin, baboy ramo at ahas.

Wala daw karanasan sa pag-akyat ang dalawa sa bundok dahil ang pakay lamang nila ay makapasyal. (Randy Menor)


オリジナルサイトで読む