Patay ang isang sanggol na babae nang dumulas sa bisig ng kaniyang ina at malaglag matapos na tumagilid ang kanilang sinasakyang tricycle sa Hacienda Balandra 2, Barangay Daga, Cadiz City, Negros Occidental noong Miyerkules.
Sinabi ni P/Lt. Daleen Grace Loreno, deputy chief ng Cadiz City Police Station na papunta sana sa city proper ang mga biktima nang mawalan ng kontrol sa tricycle ang driver matapos matamaan ng front fender ang front wheel.
Nabangga ang tricycle at nadulas ang bata sa braso ng kanyang ina at nalaglag.
Dinala sa ospital ang mag-ina subalit binawian ng buhay ang sanggol.
Nabatid na hindi na magsasampa ng kaso ang ina ng sanggol laban sa tricyle driver matapos magkaayos ang dalawa. (Dolly Cabreza)