Isang dayo ang hinihinalang responsable sa pagpaslang sa isang tomboy na natagpuang patay sa isang palayan sa Brgy. Omjon, Valencia, Bohol. May sugat sa leeg ang biktima na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Bandang umaga ng Enero 30, 2026 nang matagpuan ng isang magsasaka ang wala nang buhay na si Charity Albutra, alyas “Anot,” residente ng nasabing barangay.
Ayon sa ulat ni Omjon Punong Barangay Calixto Cagatcat, huling nakitang buhay ang biktima noong gabi ng Enero 29, 2026 matapos itong makipag-inuman sa tatlong lalaki.
Batay sa imbestigasyon, isa sa mga huling nakasama ng biktima ang isang dayo sa lugar na kinilalang si alyas “Badon,” na ngayo’y pangunahing suspek sa krimen. Matapos ang insidente, umano’y agad itong umalis sa barangay at sumakay ng barko sa pantalan ng Jagna, Bohol patungong Cagayan de Oro City.
Dahil dito, pinakilos ni Valencia, Bohol Mayor Neil Balite ang mga lokal na awtoridad upang tugisin ang suspek. Nakikipag-ugnayan na rin ang Valencia PNP sa PNP Northern Mindanao upang mapabilis ang pag-aresto at maresolba ang kasong itinuring na hindi pangkaraniwan sa kanilang bayan.
Samantala, base sa autopsy report ng Valencia Rural Health Unit, Hemorrhagic Shock secondary to Vascular Injury from an Open Neck Trauma ang opisyal na sanhi ng pagkamatay ng biktima. (Edwin Gadia)