Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagkakarekober sa katawan ng isang Coast Guard personnel matapos lumubog ang MV Trisha Kerstin 3 sa karagatan ng Baluk-Baluk Island sa Basilan noong nakaraang linggo.
Narekober ang mga labi ng coast guardian na si Seaman First Class Alkhaizar Hadjail sa pagpapatuloy na search and rescue operations kahapon.
Nagpaabot ng pakikiramay ang PCG sa pamilya ni Hadjail at tiniyak ang kanilang suporta sa panahon ng kanilang pagdadalamhati.
Samantala, sumipa na sa 40 ang bilang ng mga nasawi sa lumubog na ferry.
Ang bilang ng mga nakaligtas o survivor ay nananatili naman sa 316.
Ayon kay Commodore Rejard Marfe, commander ng Coast Guard District Southwestern Mindanao, kabilang sa mga nasawi ang isang anim na buwang gulang na babae na itinurn-over sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Basilan noong Enero 26 bago dalhin sa Zamboanga City para sa maayos na paglilibing. (Issa Santiago)
