Dinakma ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office XII (PDEA RO 12), at Sarangani–General Santos Provincial Office, ang mag-ama at isa nilang parukyano sa sinalakay na drug den sa Sarangani noong Sabado ng umaga.
Sa ulat ng PDEA, alas-11:40 ng umaga nang isagawa ang buy-bust operation sa Purok 4-A, Barangay Sapu Padidu, Malapatan, Sarangani, sa pakikipag-ugnayan sa Malapatan Municipal Police Station–MDEU, PDEA RO 12 Regional Special Enforcement Team, at PNP 1st Sarangani Provincial Mobile Force Company.
Arestado ang mag-amang sina alyas “Jorhan,” 46, at anak na si “Toto,” 20, mga operator ng drug den at isang alyas “Denver,” 35, na kanilang parokyano, pawang residente sa Brgy. Sapu Padidu, Malapatan, Sarangani Province.
Nasamsam sa drug den ang anim na heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang anim gramo na nagkakahalaga ng P40,800.00.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Dolly Cabreza)
