Barko nasunog: 3 sugatan, 125 sakay nasagip

Nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 92 pasahero at 33 tripulante ng MV Maria Felisa matapos masunog ang barko habang bumabiyahe mula Port of Benit sa San Ricardo, Southern Leyte, patungong Lipata Port sa Surigao City noong Linggo, Pebrero 1.

Ayon sa PCG, ala-1:30 ng hapon, natuklasan ng mga tripulante ang sunog sa engine room ng barko at agad napigilan ang pagkalat ng apoy. Gayunman, naging “dead on water” ang MV Maria Felisa sa layong 0.85 nautical miles mula Bilaa Point, Barangay Punta Bilar, Surigao City.

Agad na rumesponde ang PCG. Tumulong din ang barkong MV Binibining Liloan, sister ship ng barko, habang ang MV Maria Vanessa ang nag-tow patungong Lipata Port na in-escort ng PCG.

Ligtas na nakarating ang barko sa Lipata Port bandang 3:58 ng hapon, kung saan ligtas na nakalabas ang lahat ng pasahero.

Tatlo sa mga tripulante ang nagtamo ng minor injuries, kabilang ang dalawang oiler at apprentice na dinala sa Caraga Regional Hospital, at isa pang apprentice na nakaranas ng smoke inhalation na binigyan ng first aid sa lugar.

Ayon sa PCG, batay sa CCTV review, nag-ugat ang sunog sa mataas na temperatura sa lube oil filter, na nagdulot ng overheating ng makina. (Angelika Cabral)


オリジナルサイトで読む