Aapela: DOJ pinalagan pag-absuwelto kay Teves sa murder case

Pinalagan ng Department of Justice (DOJ) ang desisyon ng korte na nag-absuwelto kay dating Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. sa isang kasong murder, at nakatakdang magsumite ng mosyon para muling pag-aralan ang kaso.

Ibinasura kamakailan ng Manila Regional Trial Court Branch 15 ang kasong may kaugnayan sa pagpatay kay Miguel Lopez Dungog, dating miyembro ng Negros Oriental Provincial Board, noong 2019.

Sinabi ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na ibinatay ng korte ang pagbasura sa umano’y kakulangan ng ebidensya, kabilang ang pagkakaroon lamang ng iisang testigong nagtuturo kay Teves bilang utak ng krimen.

Dahil dito, naghahanda ang prosekusyon ng motion for reconsideration upang hamunin ang pasya ng hukuman at muling maibalik sa korte ang kaso laban sa dating mambabatas.

Gayunman, mananatili pa ring nakakulong si Teves dahil sa sunod-sunod na mabibigat na kasong kinahaharap niya sa iba’t ibang korte sa Metro Manila at Negros Oriental.

Kabilang sa mga kasong ito ang maraming bilang ng murder, frustrated murder at attempted murder, gayundin ang illegal possession of firearms and explosives at paglabag sa Terrorist Financing Prevention and Suppression Act. (Prince Golez)


オリジナルサイトで読む