Brutal na pinaslang ng isang lalaki ang kanya mismong pinsan na matapos sagasaan ay pinagsasaksak pa sa kalsada ng Brgy. Kalumboyan, Bayawan City, Negros Oriental.
Kinilala ng mga otoridad ang biktimang si Paul Clarrence Mospa Traveña habang ang suspek ay ang pinsan-buo nito na si John Nerie Mospa, nasa tamang edad at parehong nakatira sa Purok 1 Brgy. Kalumboyan, ng nabanggit na bayan.
Batay sa ulat ng Bayawan City Police Station, binundol muna ng suspek ang biktima gamit ang motorsiklo habang naglalakad ito sa kalsada.
Nang bumagsak sa lupa ay agad umanong bumaba ang suspek sa kanyang motorsiklo at walang habas na pinagtutusok ng kutsilyo ang nakahandusay na pinsan nito na nahinto lang nang lapitan ng isa sa kanilang tiyahin na sumisigaw.
Naitakbo ng pagamutan ang biktima subalit binawian din ito ng buhay.
Nadakip ng mga tanod ng barangay ang salarin na ngayon ay nasa kostudya na ng lokal na pulisya.
Wala pa umanong binabanggit na motibo o dahilan ang suspek hinggil sa ginawang krimen sa sariling pinsan. (Edwin Gadia)
