Sundalo binistay ng kabaro sa kampo

Wala nang buhay nang isugod sa ospital ang isang sundalo na may ranggong Private First Class matapos barilin ng kanyang kasamahan sa loob ng kanilang barracks sa Camp Peralta, Jamindan, Capiz.

Ayon kay Police Captain JP Silvestre, hepe ng Jamindan Police Station, bago ang krimen ay magkasama pang uminom ang biktima si PFC Wencel Jay Puntuan at ang suspek sa mess hall. Huling umalis sa mess hall ang suspek.

Nang makita ito ng biktima na tila hindi maayos ang kalagayan ay kanya pa itong nilapitan at inalalayan pabalik sa barracks.

Ngunit makalipas ang ilang segundo, nakarinig na ng sunod-sunod na putok ng armas ang kanilang mga kasamahang sundalo na naroon din sa barracks.

Nakarekober ang pulisya ng 15 basyo ng bala ng 5.56mm sa lugar ng insidente.

Nasa kustodiya na ng Jamindan PNP ang suspek at nakatakdang sampahan ng karampatang kaso. (Joven Escaniel)


オリジナルサイトで読む