Dedo ang mag-amang lalaki matapos makuryente sa Sitio Proper, Barangay Cabugao, Ivisan, nitong Miyerkoles ng umaga February 11, 2026.
Kinilala ang mga biktima na sina alyas “Jr.”, 55-taong-gulang, at alyas “Dagol,” 21-taong-gulang, kapwa residente ng Barangay Malocloc Norte, Ivisan, Capiz.
Ayon kay Noli Felizardo, bandang alas-7:30 ng umaga kahapon, nagsimulang magtrabaho ang mag-ama sa kanilang itinatayong poso para sa suplay ng tubig.
Ngunit habang ikinakabit nila ang makinang gagamitin sa paghahasa ng blade na pantusok sa butas ng ginagawang poso, pinaniniwalaang dito na nakuryente ang mga biktima.
Nabatid na bandang alas-9:00 na ng umaga nang madiskubre na lamang ni alyas “Tata” ang mag-ama na nakahandusay sa kanilang pinagtatrabahuhan at wala nang malay matapos makuryente.
Tinangka pang dalhin sa ospital ang mga biktima ng mga rumespondeng awtoridad, ngunit kapwa na sila idineklarang patay. (Joven Escaniel)
