2 cargo truck ng puslit na yosi nasabat, 4 timbog

Nasabat ng Philippine National Police (PNP) ang P5.6 mil­yong halaga ng ilegal na sigarilyo sa Barangay Patpat, Malaybalay City, Bukidnon.

Ayon sa PNP, naharang ang dalawang cargo truck na naglalaman ng mga sigarilyong walang kaukulang dokumento. Batay sa imbestigasyon, nagmula umano ang shipment sa Lanao del Norte at patungong Tagum City.

Apat na indibidwal din ang naaresto at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10643 o Graphic Health Warnings Law.

Itinurn-over na sa Bureau of Customs sa Tagoloan, Misamis Oriental ang mga nasabat na sigarilyo para sa karampatang aksiyon.

Tiniyak naman ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang patuloy na imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang mas malawak na network ng smuggling, kabilang ang pinagmulan at posibleng ruta ng pamamahagi. (Angelika Cabral)


オリジナルサイトで読む