Matapos silaban ang bahay, tinaga pa ang kamay at ulo ng mag-ina ng lalaking kapitbahay na madalas umano nilang pinagtsitsismisan sa General Santos City, ayon sa ulat kahapon.
Naputol ang kamay ng 45-anyos na si alyas “Meriam”, habang nasugatan naman sa ulo ang 19-anyos na binatang anak nito.
Batay sa ulat ng Makar Police Station, nasa loob umano ng kanilang bahay ang mag-ina nang marinig ang nag-iiingay na suspek sa labas.
Lumabas ang mag-ina at nakita nila ang suspek na sinilaban ang kanilang bahay, kaya agad silang humingi tulong kung saan mabilis namang naapula ng mga kapitbahay ang apoy.
Nang makita ng suspek ang mag-ina ay agad itong hinataw ng taga at natamaan sa ulo ang anak habang naputol naman ang kamay ng kanyang ina matapos itong humarang.
Dinala ang mag-ina sa ospital habang nadakip naman ang suspek makalipas ang ilang oras matapos isuko ng mga kaanak.
Sa pulisya, sinabi ng suspek na kaya lamang niya nagawa ang krimen ay dahil sa patuloy na pagkakalat umano ng mga biktima ng tsismis laban sa kanya, na naging dahilan upang hiwalayan siya ng asawa.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong frustrated murder, serious physical injury at arson. (Dolly Cabreza)
