Korean na wanted vs telco scam nadagit sa Mactan airport

Hinarang ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean na wanted sa Seoul dahil sa umano’y telecom fraud at money laundering.

Kinilala ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang dayuhan na si Hwang Hyeonjun, 26. Nadakip ito noong Peb­rero 5 sa Mactan-Cebu International Airport matapos mag-alert ang sistema ng BI.

Ayon kay BI Interpol Chief Peter De Guzan, may aktibong Red Notice ang National Central Bureau (NCB) Seoul laban kay Hwang at may warrant of arres­t na inilabas ng Suwon District Court noong 2025.

Batay sa rekord, sangkot umano si Hwang sa telecom fraud syndicate na nagpapanggap na empleyado ng bangko upang makapanloko at makakubra ng pera.

Sa isang kaso, nabiktima ang isang indibidwal ng KRW 10 milyon sa pekeng loan scheme. Umaabot umano sa KRW 32.5 milyon ang naharbat sa kaparehong modus, na kinonvert pa sa cryptocurrency at inilipat sa digital wallets ng grupo.

Ang krimen ay may parusang hanggang 30 taong pagkakakulong sa ilalim ng batas ng Korea laban sa telecom-based financial fraud.

Galing Vietnam si Hwang at dumating sa bansa sakay ng Philippine Airlines. Hindi siya pinapasok sa bansa alinsunod sa Philippine Immigration Act dahil isa siyang pugante at banta sa interes publiko. (Prince Golez)


オリジナルサイトで読む