Kaklase tinusok ng ballpen sa mata, tigok

Nasawi ang isang Grade 5 student nang tusukin umano ng ballpen sa mata ng kaklase na nakaalitan nito sa game sa cellphone sa loob ng Antongalon Elementary School sa Butuan City, ayon sa ulat kahapon.

Ang biktimang si alyas “Macky,” 13-anyos ay nasawi habang ginagamot sa pribadong ospital, habang ang nanaksak na kaklase ay 11-anyos na lalaki.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sinabi umano ng ama ng suspek na nagkaroon ng alitan umano ang anak at ang biktima habang naglalaro sa cellphone.

Dahil dito, sinipa at sinuntok umano ang kaniyang anak kaya sa galit nito ay sinaksak ang biktima ng hawak niyang ballpen, na tumama sa mata.

Narinig naman ng caretaker ng paaralan ang sigawan sa loob ng classroom at nang alamin ay tumambad sa kaniya ang biktima na duguan ang kaliwang mata.

Agad na isinugod dinala ang biktima sa Butuan City Medical Center at kalaunan ay inilipat sa isang pribadong ospital kung saan ito binawian ng buhay makalipas ang apat na araw.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. (Dolly Cabreza)


オリジナルサイトで読む