Sumampa na sa 54 ang kumpirmadong nasawi sa paglubog ng MV Trisha Kerstin 3 sa karagatan ng Basilan matapos makarekober ng isa pang bangkay ang mga technical diver ng Philippine Coast Guard nitong Sabado.
Hindi pa matukoy ng PCG ang kasarian at pagkakakilanlan ng huling narekober na biktima. Inaasahang dadalhin ang labi sa Zamboanga City para sa pagsusuri at pagkilala.
Gayunman, kinukuwestiyon ng mga survivor at kaanak ng mga nawawala ang opisyal na tala na 26 na lamang ang hindi pa natatagpuan.
Kabilang sa mga iniulat na nawawala ang anim na miyembro ng pamilyang Badjao. May walo rin umanong posibleng kabilang sa mga narekober ngunit nananatiling hindi pa nakikilala. Wala sa naturang listahan ang kapitan ng barko.
Sa pagdinig sa Senado, ibinunyag ng kinatawan ng Department of Transportation na batay sa paunang imbestigasyon, lumalabas na lampas sa pinahihintulutang kapasidad ang sakay na pasahero at kargamento ng barko bago ito lumubog.
