Todas ang apat na pulis at isang sibilyan nang bumulusok sa bangin ang sinasakyan nilang patrol car ng Philippine National Police (PNP) sa Misamis Occidental, Biyernes ng tanghali.
Ayon sa Police Regional Office (PRO 10), alas-12:00 ng tanghali nang mangyari ang sakuna habang sakay sa police car ang pitong miyembro ng 2nd Misamis Occidental Provincial Mobile Force Company at tatlong empleyado ng Provincial Tourism Office na idineploy para tumulong bilang security convoy sa mga organizer ng isang national beauty pageant patungo sa Piduan Falls.
Sa imbestigasyon, habang binabagtas ang matarik at pakurba na pababang bahagi ng kalsada sa Barangay Napangan, bayan ng Don Victoriano, nahirapan umanong magmaniobra ang driver ng patrol car, biglang lumihis at bumulusok sa bangin.
Agad nang iniutos ng PRO 10 regional director ang pagkakaloob ng tulong pinansyal, medikal at psychological support sa mga biktima at sa mga pamilya nito.
Personal na binisita ni Misamis Occidental Provincial Police Office Director Police Colonel Reynaldo Maclang at Police Regional Office 10 Police Brigadier General Christopher Abrahano ang mga PNP personnel at provincial tourism na nasugatan sa malagim na aksidente.
Matapos ay dumalo rin sila sa burol ng mga nasawi at nakiisa sa pagdadalamhati ng mga naulilang pamilya. (Dolly Cabreza)
