Nasawi ang 25 taong gulang na motorista matapos maaksidente sa nire-repair na kalsada ng Manalo St., Barangay Milagrosa, madaling araw ng Huwebes, Pebrero 12.
Sa kuha ng CCTV, makikitang hindi napansin ng motorsiklo ang under construction na kalsada, dala na rin nang hindi maayos na signage kaya nahulog ang motorsiklo at tumilapon ang driver at angkas nito.
Naisugod sa pagamutan ang mga biktima ngunit hindi naisalba ang buhay ng driver na kinilalang si Janber.
Ayon sa mga residente, hindi ito ang unang aksidente sa lugar. May isa pang sasakyan ang nauna nang naaksidente umano dahil sa kakulangan ng early warning device o sapat na babala sa ginagawang daan.
Ayon naman sa pulisya, maaaring maharap sa kaso ang kontraktor kapag mapatunayan sa naging kapabayaan nito sa mga motorista. (Romeo Luzares Jr)
