May 10 Chinese at 16 na Pilipino ang kinasuhan sa piskalya sa Malaybalay City kaugnay ng maigting na operasyon laban sa ilegal na pagmimina sa bayan ng Libona sa Bukidnon.
Naaresto ang mga suspek matapos gibain ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang malakihang ilegal na minahan sa Barangay Gango noong Pebrero 9, 2026.
Ayon sa mga imbestigador, may malawak na sistema ng mga lagusan ang minahan na dinisenyo para sa maramihang pagkuha ng mineral at umano’y pinatatakbo nang walang mga permit.
Sa isinagawang raid, nakumpiska ng mga awtoridad ang malaking bulto ng copper ore, isang processing facility at mga heavy equipment tulad ng dump truck, backhoe at mga industrial generator set na pinaniniwalaang ginamit sa ilegal na operasyon.
Nadiskubre rin sa lugar ang nakaimbak na mga komersyal na pampasabog pero bigong makapagpakita ng mga balidong lisensiya o permit ang mga suspek.
Dahil dito, agad na rumesponde ang Explosive Ordnance Disposal unit ng Philippine National Police upang masiguro at ma-neutralize ang mga delikadong materyales.
Pinangunahan ang operasyon ng NBI katuwang ang Mines and Geosciences Bureau, Department of Environment and Natural Resources at Libona Municipal Police Station.
Nahaharap ang 26 na suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7942 o Philippine Mining Act of 1995. (Prince Golez)
