Patay ang sinasabing pamangkin ng isang mayor habang sugatan ang kapatid nito at isa pa nilang kasama nang sila’y pagbabarilin sa hangganan ng Sitio Panang, Barangay Kabengi, at Salbu, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur, umaga nitong Martes.
Inihayag ni Kapitan Steffi Salanguit, tagapagsalita ng Police Regional Office sa Bangsamoro Autonomous Region (Probar), na ang nasawi ay si Datu Morsid, kilala rin bilang “Gara,” na residente ng Shariff Aguak; habang ang mga nasugatan ay sina Lemon Angkad Bangen, 36, residente ng Datu Hoffer; at Baganian Ampatuan, 49, residente ng Shariff Aguak.
Si Datu Morsid ay pamangkin ni Shariff Aguak Mayor Mitra Ampatuan, habang si Yasser Baganian Ampatuan ay kanyang nakababatang kapatid, ayon kay Shariff Aguak Secretary to the Mayor Anwar Emblawa.
Sa report, nabatid na galing ang mga biktima sa Barangay Salbu bandang alas-11:00 ng umaga sakay ng Nissan Livina patungong Barangay Kabengi sa Datu Saudi Ampatuan nang sila ay pababarilin ng mga suspek na sakay ng isang puting minivan sa kahabaan ng national highway.
Sa kabila ng pananambang, nagawa pa ng driver na imaneho ang kanilang sasakyan hanggang Barangay Meta, Datu Unsay, Maguindanao del Sur, ilang metro lamang mula sa checkpoint ng army.
Dinala ang mga biktima sa pinakamalapit na ospital, ngunit idineklara nang patay pagdating sa pagamutan si Salbu.
Naglunsad ngayon ang mga awtoridad ng masusing imbestigasyon sa insidente.
