Tiklo sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang 13 lalaki sa umano’y ilegal na bentahan at distribusyon ng mga produktong petrolyo sa Ouano Wharf, Barangay Looc sa Mandaue City, Cebu nitong Martes, Pebrero 17.
Ayon sa CIDG, nakumpiska sa operasyon bandang alas-2:15 ng madaling araw ang 30 drum ng petrolyo, mga transport vehicle, at tanker vessel na tinatayang may kabuuang halaga na P20,514,000.
Nahuli umano sa akto ang mga suspek habang naglilipat ng krudo mula sa tanker vessel patungo sa mga container drum para ibenta nang walang kaukulang lisensya mula sa Department of Energy.
Binanggit ni CIDG Director Maj. Gen. Robert Morico II na ilegal ang ganitong operasyon ayon sa Batas Pambansa Blg. 33, na nagbabawal sa pagbebenta at distribusyon ng mga produktong petrolyo nang walang lisensya.
Hinikayat ng CIDG ang publiko na i-report ang anumang illegal trading o iba pang ilegal na aktibidad sa kanilang lugar. (Angelika Cabral)
