Malubhang nasugatan ang isang lalaki matapos barilin sa mukha ng kainuman na inagawan nito ng mic habang kumakanta sa isang videoke bar sa Tagum City, Davao del Norte nitong Linggo.
Sa ulat, nag-iinuman sa videoke bar ang biktima at ang suspek kasama ang iba pa nang agawin ng una ang mikropono sa kasamahan na noon ay bumibirit pa sa pagkanta.
Ayon sa pahayag ng waitress sa pulisya, nagalit umano ang suspek hanggang sa magtalo ang dalawa.
Dito na bumunot ng baril ang suspek at pinatukan sa mukha ang kainuman na agad bumulagta.
Agad na isinugod ang biktima sa Davao Regional Medical Center kung saan patuloy pa itong inoobserbahan
Nasamsam ng mga awtoridad sa crime scene ang basyo ng bala ng kalibre .45 baril.
Patuloy pang tinutugis ng mga awtoridad ang nakatakas na suspek. (Dolly Cabreza)