P30M puslit na yosi, tobats nasabat

Nasamsam ng mga awtoridad ang hinihinalang mga smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng P29.46 milyon at shabu na nagkakahalaga ng P13,000 sa Lebak, Sultan Kudarat, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes

Ang pagkakadiskubre ay kasabay ng pagsasagawa ng search warrant ng pulisya nitong Huwebes ng madaling araw sa tahanan ng isang negosyanteng kinilala sa alias “Chong” sa Barangay Kinudalan.

Ang mga warrant ay para sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o Firearms and Ammunition Regulation Act; at RA No. 9516.

“During the search, operatives recovered four heat-sealed sachets of suspected shabu weighing approximately 2 grams, valued at P13,600,” paliwanag ng PNP.

“Incidental to the lawful search, police operatives also uncovered a massive stockpile of smuggled cigarettes… The contraband carried a Bureau of Customs standard price of P29,467,500,” dagdag pa nila.

Hindi naman sinabi ng PNP kung natagpuan sa naturang address ang baril o pampasabog na target ng search warrant.

Sa kabila nito, sinabi ng Police Regional Office Soccsksargen (PRO 12) na ang suspek na si Chong ay pinaghahanap pa rin.

Ang mga nadiskubreng puslit na sigarilyo at shabu ay itinurn-over na sa Lebak Municipal Police Station para sa dokumentasyon. (Dolly Cabreza)


オリジナルサイトで読む