Wala ng buhay nang isugod sa pagamutan ang isang grade 5 pupil matapos mabangga ng isang pickup truck pasado alas-5:30 ng hapon noong Miyerkules December 3, 2025, sa Provincial Road ng Brgy. San Jose, Roxas, Palawan.
Kinilala ang biktima na si alias Liboy, estudyante at residente ng Brgy. Magara, Roxas habang ang driver ng puting Strada pickup ay kinilalang si alias Ramon, 38 taong gulang, negosyante at residente ng Brgy. Calawag, Taytay, Palawan.
Batay sa imbestigasyon, binabagtas ng pickup ang rutang Puerto Princesa patungong Taytay nang bigla umanong tumawid ang biktima, dahilan para mabundol ito. Sinubukan umanong magpreno at umiwas ng driver ngunit hindi naiwasan ang bata.
Nagtamo ng iba’t ibang pinsala sa katawan ang biktima at agad na isinugod ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa pinakamalapit na ospital.
Hindi naman nasaktan ang driver at nasa kustodiya ngayon ng Roxas MPS para sa kaukulang imbestigasyon. (Romeo Luzares Jr)