Binalot ng matinding takot ang mga residente ng Barangay Concepcion Grande at Concepcion Pequeña matapos magkakasunod na natagpuang patay ang magkapatid na babae sa magkaibang lugar nitong Linggo ng umaga.
Unang nadiskubre ang bangkay ng 27-anyos na si Claudine Divinagracia pasado alas-6 ng umaga sa isang subdivision sa Brgy. Concepcion Pequeña.
Duguan ito, may taga sa dibdib, leeg, at putol pa ang kanang braso patunay ng matinding karahasan na dinanas niya bago bawian ng buhay.
Makalipas ang ilang oras, natagpuan naman sa Zone 1, Concepcion Pequeña ang bangkay ng kapatid nito na 25-anyos na si Mae Divinagracia, na may mga tama rin ng saksak sa dibdib.
Kinumpirma ng pulisya na magkapatid ang dalawang biktima.
Agad namang natukoy ng Naga City Police Office na ang live-in partner ni Claudine na si Mar, 35, residente rin ng Concepcion Pequeña, ang pangunahing suspek sa krimen.
Tinitingnan ngayon ng imbestigasyon ang posibleng crime of passion bilang motibo.
Ayon sa ulat, nakapagpadala pa umano ang suspek ng mensahe ng pagsisisi sa kaniyang mga magulang bago ito tumakas.
Ipinag-utos na ni P/BGen Erosito Miranda, Acting Regional Director ng PRO5, ang full-scale manhunt laban sa suspek. (Ronilo Dagos)