Nasawi ang isang mister matapos saksakin ng kanyang misis nang tumangging bigyan ng pera para sa pagpapa-rebond ng buhok sa Barangay Lawis, Cebu City, ayon sa ulat kahapon.
Sinabi ng pulisya, nagsimula ang pagtatalo ng biktimang si alias “Buti” nang ipilit umano ng misis na kinilalang si “Mamay,” na magpa-rebond ng buhok.
Ayon sa ulat, sinabi ni Mamay sa mister na gusto niyang magpunta sa salon para magpa-rebond, ngunit tumanggi ito dahil wala umano silang dagdag na pera.
Dahil dito, nagkaroron ng mainitang pagtatalo ang mag-asawa hanggang sa dumampot ng kutsilyo si Mamay at agad na sinaksak sa tiyan ang mister.
Nang marinig naman ng mga kapitbahay na sumisigaw ng saklolo ang biktima ay agad nilang pinuntahan ang bahay ng mag-asawa.
Doon ay tumambad sa kanila ang duguang nakahandusay na biktima kaya agad nilang dinala sa ospital, ngunit binawian din ito ng buhay.
Agad namang naaresto ang misis ng biktima na nagsisisi sa kaniyang nagawang krimen.. (Dolly Cabreza)