Sinibak sa serbisyo ang dalawang pulis na ilegal na nagsagawa ng operasyon, at nanutok pa ng baril saka nanapak ng sabungero sa tupadahan sa Burias Island mula sa Kagawaran ng PNP sa Bicol, ayon sa ulat kahapon.
Kinumpirma ng San Pascual Municipal Police Station (MPS) na nakatanggap ng relieve order ang dalawang pulis sa pagsasagawa ng hindi lehitimong operasyon kontra illegal gambling sa isang barangay ng bayan ng San Pascual.
Ito ay bunsod ng kumalat na video sa social media, kaugnay sa ginawang panunutok ng baril at pananadyak ng dalawang pulis sa isang sabungero na naabutan sa isang tupada noong Lunes.
Kaugnay nito, iniutos ni PRO 5 acting regional director P/BGen. Erosito N Miranda, ang agarang pag-relieve hindi lang sa dalawa kundi sa lahat ng sangkot.
Kasalukuyang sumasailalim sa masusing imbestigasyon ang mga pulis para sa posibleng pagsasampa ng mga kasong kriminal at administratibo.
Binigyang-diin naman ng PRO 5 chief na hindi niya kukunsintihin ang kaniyang mga kapulisan at ang sinumang mahuli ay papatawan ng kaukulang mga parusa. (Edwin Gadia)
