Isang babae ang natusta sa sunog na tumupok sa isang boarding house sa Bgy. Milagrosa sa Puerto Princesa.
Gabi na kamakalawa nang marekober ang labi ng biktima na unang naiulat na nawawala. Kinilala itong si Lorina Tupaz, 50-anyos. Natagpuan ang sunog nitong katawan sa loob ng common CR ng boarding house.
Naapula na ang apoy nang malaman ng Puerto Princesa Bureau of Fire Protection (BFP) na may nawawala.
Alas-3:00 ng madaling araw kamakalawa, December 12, 2025 nangyari ang sunog at naapula ang apoy alas-5:30 na ng umaga na nagresulta sa pagkatupok ng 21 kabahayan kung saan 87 pamilya ang nawalan ng tahanan.
May itinuturing ng suspek sa sunog na hawak na ng pulisya matapos ituro ng mga residente.
Bago ang sunog, nanghihingi na umano ng relocation sa barangay ang lalaking suspek, na apat na buwan nang hindi nakakabayad sa inuupahang kuwarto.
Base sa inisyal na imbestigasyon, binasa ng suspek ang cellphone charger saka isinaksak sa kuryente na pinaniniwalaang pinagmulan ng sunog.
Sa paglikas, kumpleto ang gamit na nailabas ng suspek at tila nakahanda na siya sa mangyayari.
Agad namang tinulungan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ang mga nasunugan.
