Nasawi ang walong katao habang apat ang nasugatan matapos mawalan ng preno ang sinasakyan nilang Suzuki Easyride habang papunta sila sa sementeryo para dumalo sa death anniversary ng isang kaibigan noong Sabado sa Ayungon, Negros Oriental.
Sa ulat, nangyari ang trahedya sa Sitio Tumampon, Barangay Tiguib bandang alas 9:30 ng umaga kung saan anim na pasahero na kinabibilangan nina Edwin Deguit Sr, Zenaida Sabanal, Libby de Jesus, Ernesta Villasco, Annabelle Devero, Chinly Magalso, Artillana Deguit at Elphy Deguit ang idineklarang dead on arrival sa Bindoy District Hospital habang binawian ng buhay ang dalawa pa habang ginagamot.
Nakaligtas naman sa trahedya ang driver na si Juan Maratas Lopez, 56 anyos, residente sa Barangay Bagacay, Dumaguete City at tatlong iba pa, kabilang ang isang 13-anyos na ginagamot pa sa ospital.
Ayon kay Lopez, binabaybay nila ang matarik na highway nang biglang mawalan ng preno ang sasakyan at dumiretso sa mabatong bakanteng lote at tuluyang bumaligtad. (Dolly Cabreza)