Tserman, kasabwat buking sa bentahan ng tobats

Kalaboso ang isang barangay captain at ang kasama nito dahil sa pagtutulak ng iligal na droga sa Barangay Roxas, sa Sulop, Davao del Sur nitong Lunes ng gabi.

Dinakip ang suspek na si alyas “Kap,” 36, at kasama na si “Dionisio,” nang makunan ng isang plastic sachet ng shabu na nagkakahalagang ₱8,000.

Sa ulat, alas-10: 15 ng gabi nang isagawa ang buy-bust ng mga operatiba ng Davao del Sur Provincial Office ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 11, sa pakikipag-ugnayan sa Regional Drug Enforcement Unit at Sulop Municipal Police Station, dahil sa umano’y pagbebenta ng iligal na droga ng mga suspek sa Purok. 7, Barangay Roxas.

Isang PDEA operative ang umaktong poseur-buyer at nang magkaabutan ay agad inaresto ang dalawa.

Nasamsam sa kanila ang karagdagang 4 plastic sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 23 gramo at street value na ₱156,400, kasama ang marked buy-bust money na ginamit sa operasyon.

Ang mga naarestong suspek ay nasa kustodiya ng PDEA Regional Office 11 at mahaharap sa kaukulang mga kaso. (Dolly Cabreza)


オリジナルサイトで読む