Pickup sumirko: 1 dedo, 3 duguan

Isa ang nasawi habang tatlo ang sugatan matapos magpagulong-gulong ang pick up na sinasakyan ng mga biktima sa national highway, Bgy. Tinitian, Roxas Palawan.

Naganap ang insidente dakong ala-1:00 ng madaling araw kamakalawa Disyembre 17 kung saan ang Toyota Hilux pickup ay minamaneho ni alyas Ador, 37 taong gulang, may-asawa at residente ng Brgy. San Jose, Puerto Princesa City, sakay ang tatlong pasahero.

Ayon sa pulisya, walang naipakitang driver’s license ang nasabing driver.

Base sa inisyal na imbestigasyon, patungong Roxas ang sasakyan mula Brgy. Langogan, Puerto Princesa City nang mawalan ng kontrol ang driver sa pababang bahagi ng kalsada at sumalpok sa kaliwang bahagi ng daan.

Sugatan ang driver at lahat ng pasahero na agad na isinugod sa Roxas Medicare Hospital ng mga rumespondeng tauhan ng MDRRMO.

Gayunman, di na umabot ng buhay sa ospital ang isang pasahero na kinilalang si alyas Rony dahil sa malubhang pinsala.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya habang ang sasakyang sangkot ay nananatili sa pinangyarihan ng aksidente na halos malukot sa tindi ng pinsala. (Romeo Luzares Jr)


オリジナルサイトで読む